Answer:
Ang Tutong
ni: Arnel S. Vitor
Ang kalderong pinagsalangan
Ay binuksan
At
Presto!
Mabango . . . Malinamnam
Ang sinaing sa kalan,
Ngunit
Sa ilalim
Ay may tutong
Mamula-mula at maitim
Ito’y isang malaking tanong:
Hindi na ba mawawalan ng tutong
Ang kaldero ng kanin sa pugon?
Bakit hindi pagsamahin
Ang puti at ang itim?
May sustansya rin, marahil. . .
Kahit tutong. . . Kahit tutong. . .
Umaawit ng panaghoy
Ang mga tutong. . .
Umaamot ng tulong
Sa mga taingang makatutugon…
Ikinakaway sa hangin
Ang pinggang walang laman
Pinakakalansing
Ang sikmurang kumakalam
Ibinabandila ang saradong kamao
At sa kalangitang nakatunghay dito
Mandi’y ipinapaalala:
Sila man, kahit tutong, ay mga anak din
Ng panahon!
Sila … silang mga tutong
Ang higit na malapit sa nakapapasong
Halik ng apoy!
Kaunting habag
Kaunting habag mula sa mga nasa itaas…
Mula sa mga kaning maputi at masarap
Ito’y
Isang panawagan
Bakit ang tutong
Laging nasa ilalim…?
At bakit ihihiwalay sa paghahain?
Bakit hindi pagsamahin
Ang puti at ang itim
May sustansya rin, marahil…
Kahit tutong… kahit tutong…
MGA POKUS NA tANONG:
1) Sino ang tinutukoy na tutong sa tula? Patunayan ang sagot.
2) Ano ang kahulugan ng salitang “umaamot” sa pahayag na “Umaamot ng tulong sa mga taingang nakatutugon.”?
3) Ano-anong mga isyung panlipunan ang tinalakay sa tula?
4) Ano ang nais ipabatid ng awtor sa kanyang tula sa mga mambabasa?