Answer:
Si Andres Bonifacio ay ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Lungsod ng Maynila. Ang kanyang mga magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro. Siya ay isang Pilipinong rebolusyonaryo at bayani na nagtatag ng Kataastaasan Kagalanggalang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) o Katipunan, isang lihim na lipunan na nakatuon sa pakikipaglaban sa mga Espanyol na sumakop sa Pilipinas. Siya ang isa sa mga unang nagkaroon ng malinaw na pananaw sa kung ano ang dapat na Pilipinong bansa. Siya ay kinikilalang “Ama ng Himagsikan at Rebolusyong Pilipino“ at kilala sa tawag na Supremo.
Si Bonifacio ay hindi ipinanganak na mahirap. Ang kanyang ina ay half-Spanish at may sarili siyang tagaturo. Ngunit hindi naging madali sa kanya ang buhay nang pumanaw ang kanyang mga magulang noong 14 na taong gulang siya dahilan upang matigil siya sa kanyang pag-aaral. Sa kabila ng kanyang kakulangan sa pormal na edukasyon, tinuruan niya ang kanyang sarili na magbasa at magsulat sa wikang Espanyol at Tagalog, na naging dahilan upang makakuha siya ng trabaho bilang clerk-messenger sa isang kompanyang Aleman. Sinasabing interesado si Bonifacio sa klasikong kanluraning rasyonalismo at mahilig magbasa ng mga gawa nina Victor Hugo, Jose Rizal, at Eugene Sue. Siya ay nagkaroon ng isang malalim na interes sa pagbabasa ng mga libro sa French Revolution at ang mga buhay ng mga presidente ng Estados Unidos dahilan upang makakuha siya ng isang mahusay na pag-unawa sa mga socio-historical na proseso. Ang kanyang hangarin na mabago ang kalagayan ng kanyang mga kababayan sa ilalim ng kolonyalismo ang nagbigay daan sa pagsali niya sa La Liga Filipina. Ang La Liga Filipina ay itinatag ni Jose Rizal noong Hulyo 3, 1982 sa layuning pagkaisahin ang mga Pilipino upang makapagsimula ng reporma, maayos na edukasyon, kooperasyon, at pagbuo sa bansa.
Explanation:
(ctto)