Answer:
Nilalayon ng kurso na maipakita sa mga mag-aaral ang iba’t ibang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas sa pananaw ng mga saksi. Sa halip na asahan
ang mga sekundaryang batis gaya ng mga teksbuk, na karaniwang ginagawa sa pagtuturo ng kasaysayan ng Pilipinas, iba’t ibang primaryang batis
ang gagamitin—nakasulat (kuwalitatibo at kuwantitibo), pasalita, biswal, audio-visual, dihital—sumasakop sa iba’t ibang aspekto ng búhay sa
Pilipinas (pampolitika, pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura). Inaasahan sa mga mag-aaral na masuri batay sa konteksto ang ilang pilìng
babasahín at sa pamamagitan ng nilalamán (nakalahad o pahiwatig). Sa pagtatapos, inaasahang mauunawaan ng mga mag-aaral at mabibigyan ng
pagpapahalaga ang ating mayamang nakaraan sa pamamagitan ng pagtatamo ng mga kamalayang mula sa mga táong mismong naging bahagi o
saksi sa panahong naganap ang mga pangyayari sa kasaysayan.
Isinasaalang-alang sa kontekstuwal na pagsusuri ang sumusunod: (i) ang historikal na konteksto ng batis [kailan at saan ito sinulat at ang kalagayan
noong panahong iyon], (ii) ang karanasan ng may-akda, layunin (hanggang sa mauunawaan), at pagiging dalubhasa sa paksa; at (iii) ang katuturan
ng batis at ang halaga nito sa kasalukuyan.
Ang pagsusuri sa nilalamán, sa kabilâng bandá, ay gumagamit ng mga angkop na pamamaraan, batay sa uri ng batis (pasulat, pasalita, biswal). Sa
proseso ng pag-aaral, hihilingin sa mga mag-aaral, halimbawa, na tukuyin ang primaryang argumento ng may-akda o paksa, ihambing ang iba’t ibang
pananaw, tukuyin kung may pagkiling, at magsagawa ng ebalwasyon sa pahayag ng may-akda or batay sa mga inilatag na mga ebidensiya o iba
pang magagamit na ebidensiya noong panahong tinukoy. Gagabayan ng kurso ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng kanilang pagbabasá at
pagsusuri sa mga teksto at kinakailangang magsumite sila ng reaksiyong sanaysay na magkakaibá ang haba at magkaroon ng presentasyon ng
kanilang idea sa iba’t ibang paraan (maaaring sa pamamagitan ng debate, presentasyong power point, liham sa editor ng batis, at iba pa.)
Maaaring iayos ng guro ang mga babasahín sa paraang kronolohiko o batay sa paksa, at magsimula sa mas napapanahon (mas pamilyar) at sakâ
na lámang balikán ang mga mas naunang panahon o vice-versa. (CMO No. 20, series of 2013)
Explanation: