Answer:
Turismo sa Rizal
"Naghahanap ka ba ng lugar na maaaring puntahan na malapit lang sa Metro Manila? Bakit hindi mo subukang mamasyal sa lalawigan ng Rizal!
Ang lalawigan ng Rizal ay napakalapit lamang sa Maynila, dahil 20 kilometro lamang ang layo nito. Upang makapunta ka sa Rizal, kailangan mong sumakay ng mga jeep sa Cubao o mga UV sa Shaw Boulevard. Mas maganda kung may sasakyan kang dala para makatipid tayo sa oras!
Umpisahan natin ang pamamasyal sa bayan ng Rodriguez na mas kilala sa lumang pangalan nito na Montalban. Nandito ang mga magagandang bundok na bahagi ng Sierra Madre, kagaya ng Pamitinan, Espadang Bato, Binacayan, at marami pang iba.
Kung kakanin naman ang hanap mo, pumunta ka na sa Cainta! Nandito sa bayang ito ang masasarap na kakaning Pilipino. Sunod naman nating pupuntahan ang Taytay, at maaari ka bumili ng mga murang damit sa naglalakihang tiangge sa bayang ito!
Sunod naman nating destinasyon: ang lungsod ng Antipolo. Kilala ito dahil sa kanyang magandang simbahan at talon ng Hinulugang Taktak, ngunit sa kasalukuyan, pinupuntahan na rin dito ang mga kainan na may overlooking view ng Metro Manila at ilang mga museo kagaya ng Pinto Art Museum.
Kung sining lang din naman ang pag-uusapan, isunod na natin ang bayan ng Angono, kung saan ipinanganak ang mga pinakadakilang mga pintor ng Pilipinas. Nandito din ang mga petroglyph na isinulat ng ating mga ninuno libong taon na ang nakararaan.
Sa bayan naman ng Binangonan at Cardona, mabibisita natin ang pulo ng Talim. Sa Pililia naman, matatagpuan moa ng naglalakihang mga windmill. Magaganda rin ang tanawin na handog ng mga bayan ng San Mateo, Teresa, Morong, Baras, at Jala-Jala.
Kung todong adventure ang hanap nyo, bisitahin rin ang bayan ng Tanay na kilala sa maraming magagandang bundok kagaya ng Daraitan, ang ilog ng Tinipak na talaga namang asul na asul ang tubig, at ang talon ng Daranak. Nandito din ang Masungi Geo Reserve na talaga namang dinarayo ng mga turista. Bago bumalik sa Maynila ay kumain din muna kayo sa mga kainan sa Marilaque Highway na nakaharap sa Sierra Madre.
Ano pang hinihintay nyo? Tara na at mamasyal sa lalawigan ng Rizal!"
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa CALABARZON, bisitahin lamang ang link na ito:
brainly.ph/question/2395334
#BrainlyEveryday