Answer:
Ang relihiyong Islam ay dinala ng mga mangangalakal na Persian Bengali at Gujerati o mga Arabo sa Sulu. Nang dumating ang mga mangangalakal na Muslim sa katimugang Pilipinas mula sa Malaysia at Indonesia, kanilang dinatnan ang mga katutubo na nagsasanay ng animismo na nakatira sa maliliit na autonomosong mga pamayanan. Ayon sa Tarsila, si Tuan Mashaika ay dumating sa Jolo, sa Maimbung at nagpakasal sa anak ng isang namumunong pamilya. Bagaman hindi hayagang isinaad ng Sulu Tarsila na isang Muslim si Tuan Mashaika, ipinagpapalagay na isa siyang Muslim dahil sa pangalang Muslim ng kanyang mga anak gaya nina Tuan Hakim at Aisha. Noong 1380, ang Arabong si Karimul Makhdum (Sharif Awliya) ay dumating at kinikilalang ang nagtatag ng unang moske sa Tubig-Indangan sa Simunul, Tawi-Tawi. Noong mga 1390, dumating naman si Rajah Baguinda sa Sulu mula Sumatra o Borneo. Ang unang opisyal na Sultan ng Sulu ang Arabong mula Sumatra na si Syed Abu Bakr (Sharif Hashim) na nagpakasal sa anak ni Baguinda.